-- Advertisements --

Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na sila ay nakabantay sa mga komunidad na iniwanan ng mga nagsilikas dahil sa nagdaang bagyong Odette.

Ayon kay PNP spokesperson Col. Roderick Augustus Alba, regular na pinapatrolya ng mga pulis ang mga nasabing komunidad.

Ang pagtiyak ng opisyal ay kasunod ng direktiba ng Pangulong Rodrigo Duterte sa PNP na imbestigahan ang napaulat na looting sa mga calamity areas.

Sinabi ni Alba, nakarating na rin sa PNP ang mga naturang ulat pero wala pa aniyang pormal na nagrereklamo sa kanila na ninakawan ang mga naiwang mga bahay.

Giit ni Alba na tatalima ang PNP sa instruction ng Pangulong Duterte, na kung sakaling may mahuling nagnanakaw, kanila ring titingnan ang sitwasyon sa buhay ng mahuhuli.

Dagdag pa ni Col. Alba, bukod sa mga looters, nakabantay din ng mga pulis laban sa mga iba pang kriminal na elemento na posibleng magsamantala sa sitwasyon sa mga calamity areas.