Tinitiyak ng Philippine National Police (PNP) sa sambayanang Pilipino ang kanilang buong determinasyon na pigilan at sugpuin ang anumang uri ng karahasan na maaaring maganap kaugnay ng nalalapit na Parliamentary Elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ayon sa PNP, ang paninindigang ito ng PNP ay alinsunod sa direktiba na nagmula mismo kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. kung saan inaatasan ang lahat ng ahensya ng gobyerno na siguruhin ang isang tapat, mapayapa, malinis, at maayos na parliament elections sa BARMM.
Ayon kay PNP Acting Chief, PLtGen. Jose Melencio Nartatez Jr., ang kanilang paghahanda ay kasunod ng naging desisyon ng Korte Suprema na itigil ang pagpapatupad ng isang regional law o batas na naglilipat sana sa pitong parliamentary seats na orihinal na nakatalaga sa probinsya ng Sulu.
Sinabi ni PLtGen. Nartatez na kanilang pipigilan at haharangin ang anumang pagtatangka ng sinuman na guluhin ang takbo ng halalan, lalo na sa mga lugar na may kasaysayan na ng karahasan at kaguluhan.
Hindi na bago kay PLTGen. Nartatez ang pagtiyak ng seguridad sa BARMM elections dahil minsan na niyang pinangunahan ang ganitong operasyon nang maupo siya bilang commander ng Area Police Command-Western Mindanao.
Batay sa datos ng PNP , umabot na sa 24 na firearms o baril at explosive materials o mga materyales na pampasabog ang nakumpiska ng PNP at higit sa 16 na indibidwal ang naaresto mula nang ipatupad ang gun ban sa BARMM noong ika-14 ng Agosto.
















