-- Advertisements --

Tiniyak ni PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar ang kanilang suporta at kooperasyon Department of Justice para sa paglalabas ng katotohanan at hustisya hinggil sa nangyaring madugong mis-encounter sa Commonwealth Avenue sa Quezon City sa pagitan ng PNP at PDEA nuong Pebrero.

Ayon kay Eleazar ang lahat ng mga tauhan ng PNP na sangkot sa isinampang kaso ng NBI ay “accounted” at kanilang ipaghaharap sa DOJ sakaling kailanganin.

Kasunod nito, kanyang sinabi na siya ay inabisuhan na ng Internal Affairs Service ng PNP na malapit na ring lumabas ang resulta ng kanilang isinagawang hiwalay na imbestigasyon sa kaso.

Sinabi ni Eleazar na welcome sa kanila ang resulta ng imbestigasyon na pinangunahan ng NBI.

Siniguro ni PNP Chief na hindi na mauulit pa ang madugong mis-encounter gayong mayruon ng pinirmahang joint operational guidelines ang dalawang ahensiya lalo na sa pagkasa ng anti-illegal drug operations.

Kapwa nilinaw ng PNP at PDEA na sinumang lalabag sa nasabing memorandum circular ay mananagot sa batas.