-- Advertisements --

Nakaalerto ang Philippine National Police (PNP) hinggil sa pananalasa ng bagyong Dante na inaasahan pa na lalakas sa mga susunod na araw.

Ayon kay PNP chief P/Gen. Guillermo Eleazar, inatasan na niya ang mga local police unitss sa Eastern at Northern Samar na makipag-ugnayan sa kani-kanilang mga lokal na pamahalaan at Office of the Civil Defense.

Lalo na duon sa gagawing pre-emptive evacuation, search, rescue and retrival operations kung kailanganin lalo’t marami na sa mga lugar sa Mindanao ang lubog sa tubig baha dulot ng bagyo.

Binigyang diin pa ni Eleazar, may kagamitan pa rin silang maaaring gamitin para sa panahon ng kalamidad lalo na kapag may Bagyo.

Maliban dito, pinatitiyak din ng PNP chief na masusunod pa rin ang minimum health and safety protocols lalo na sa mga evacuation centers sa kabila ng nararanasang bagyo.

Pinagana na rin ni Eleazar ang kanilang Reactionary Standby Support Force kung kinakailangan nilang magpakalat ng karagdagang tauhan sa mga lugar na napuruhan ng kalamidad.

Nananawagan naman si PNP chief sa publiko na maging ligtas at nakaalerto sa gitna ng kalamidad, sundin ang mga direktiba ng LGUs.