-- Advertisements --

Muling nagpaalala ang Philippine National Police (PNP) sa mga kandidato sa eleksyon 2022 na sumunod sa campaign rules na itinakda ng Commission on Elections (COMELEC).

Ito’y habang papalapit ang campaign period sa darating na February 8 para sa national candidates at March 25 sa local candidates.

Ayon kay PNP Chief Police General Dionardo Carlos, mahalaga sa isang kandidato na maging mabuting halimbawa sa kanyang mga tagasuporta at maipapakita ito sa pagtalima sa COMELEC.

Nakasaad aniya sa COMELEC Resolution 10732 ang new normal sa pangangampanya kasama na ang pagdaraos ng physical campaigns, rallies, meetings at iba pang aktibidad na dapat sundin ng mga kandidato kaakibat ang health protocol sa kanilang pag-iikot.

Nabatid na kasama sa mga bawal sa pangangampanya ang pagbabahay-bahay, pakikipag-kamay at iba pang uri ng physical contact, gayundin ang pagpapa-picture ng walang social distancing at pamamahagi ng pagkain at inumin.

Giit ng PNP chief, mahigpit na magbabantay ang mga pulis sa lahat ng election-related activities kasabay ng pagtitiyak na wala silang kikilingan.

Samantala, nanawagan ang PNP sa publiko na makipag-ugnayan sa kanila sakaling may mga paglabag ang isang kandidato sa pangangampanya sa lugar nila.