Nagpatupad ng mahigpit na seguridad ang Philippine National Police (PNP) para sa pagdiriwang ng Eid al-Fitr ngayong Sabado, Marso 21.
Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., nag-deploy ng mga pulis sa mga mosque, lugar ng panalangin, at komunidad ng mga Muslim upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.
Humigit-kumulang 55,000 pulis ang ipinakalat para sa seguridad, kabilang na ang crowd at traffic management plans, quick response teams, at medical units.
Nakipag-ugnayan din ang PNP sa mga lokal na pamahalaan at lider ng komunidad upang masiguro ang maayos at mapayapang pagdiriwang, sabay pagbati ng “Eid Mubarak!” sa mga Muslim.
Nabatid sa panayam ng Bombo Radyo kay Comm. Yusoph Mando na karaniwang ginagawa ang mga selebrasyon ukol sa Eid al-Fitr sa mga open area upang makasali rin maging ang mga hindi Muslim na nais makibahagi sa kanilang pagdiriwang.
Kasama kasi ang masaganang kainan dahil nagtapos na ang isang buwan na pag-aayuno sa panahon ng Ramadan.
















