-- Advertisements --

Naglunsad ang Philippine National Police (PNP) ng dalawang bagong komite kontra sa kidnapping at fake news para sa layuning mapatatag at mapalakas ang kapayapaan at katotohanan sa bansa.

Ayon kay PNP Chief Police Gen. Rommel Francisco Marbil, ang dalawang komite ay tatawaging Joint Anti-Kidnapping Action Committee (JAKAC) at Joint Anti-Fake News Action Committee (JAFNAC).

Ani Marbil, pangungunahan ni Deputy Chief for Investigation PLTGEN Edgar Alan Okubo ang anti-kidnapping action committee na siyang tututukan ang pagtukoy at pagsugpo sa organisadong kidnap-for-hire na mga operasyon sa bansa habang pamumunuan naman ni Deputy Chief for Operations PLTGEN Robert Rodriguez ang anti-fake news committee na layon namang labanan ang mga kumakalat na fake news at misimpormasyon sa mga social media paltforms at maging sa publiko.

Ang mga joint committee ay naitatag matapos ang matagumpay na pagkakaaresto sa tatlong suspek sa naging kidnapping case at pagptay sa isang filipino-chinese businessman na si Anson Que at sa driver nito na si Armanie Padillo.

Kasunod nito ay kinomenda naman ni Marbil ang Special Investigation Task Group (SITG) sa ilalim ng liderato ni Okubo para sa naging mabilis na koordinasyon at aksyon sa naturang kaso.

Aniya ito lamang ay isang halimbawa at nagpapakita na tuloy-tuloy lamang ang pulisya sa kanilang aksyon at sa pagtupad sa kanilang mandato para maging matagumpay ang bawat kaso na haharapin ng kanilang hanay nang makapagbigay ng hustisya sa bawat biktima at mga pamilya nito.

Sa ngayon ay nananatili naman sa kustodiya ng PNP ang tatlong suspek na nahaharap sa mga kasong two counts of kidnapping for ransom with homicide habang patuloy naman na pinaghahahanap pa ang dalawa pang chinese nationals na kasalukuyang itinuturing na mga ‘principals of the crime’ at nananatili pa ring at large.

Inaasahan naman na ngayong linggo ay mareresolba na ng pulisya ang kidnapping incident na ito at makakapagbigay ng hustisya sa pamilya ng mga biktima.