Reading Time: 1 minute

ILOILO CITY – Marami umanong sinusundang motibo ang Philippine National Police (PNP) sa pagpatay sa assistant manager ng isang fast food chain sa loob ng kanilang bahay sa Gonzaga Street, Purok 4, Pavia, Iloilo.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay P/Maj. Fernand Limbungan, hepe ng Pavia Municipal Police Station, sinabi nito na walang forcible entry sa bahay at hindi rin ninakawan ang biktima na si Eira Jane Fabiana, 22, assistant manager ng Jollibee sa GT Mall Pavia, Iloilo.

Ayon kay Limbungan, nagsagawa na sila ng case conference upang madaling maresolba ang kaso.

Sa ngayon ayon kay Limbungan, mayroon na silang persons of interest na kinabibilangan ng parking attendant sa nasabing mall na siyang nakaaway umano ng biktima; ang kaibigan ng biktima na siyang huli nitong nakasama bago nangyari ang insidente; ang kuya ng biktima na kakarating lang galing sa Barotac Nuevo, Iloilo; at ang trisikad driver na nakarinig sa pagsigaw ng biktima habang umiinom ito sa sari-sari store sa bahay ng biktima.

Posible ayon sa hepe na kilala ng biktima ang suspek dahil walang forcible entry sa crime scene at wala ring nakitang yapak ng paa sa bahay kahit na umulan kagabi.

Iniimbestigahan rin ng otoridad kung paano nabuksan ng kapatid na lalaki ang cellphone ng biktima kahit na mayroon itong password.