-- Advertisements --

Ipinagmalaki ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang malaking tagumpay sa kanilang patuloy na kampanya laban sa iligal na droga matapos ang matagumpay na operasyon sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Sa pinagsanib na pwersa ng PNP at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), nakasabat ang mga awtoridad ng mahigit 16 na kilo ng shabu.

Ang nasabing kontrabando ay tinatayang nagkakahalaga ng ₱114.5 milyon.

Ayon kay Police Lieutenant General Nartatez Jr., ang matagumpay na pagsabat na ito ay isang malinaw na patunay ng seryosong pagkilos at walang humpay na kampanya ng PNP laban sa iligal na droga at mga sindikato na sangkot dito.

Binigyang-diin niya na ang operasyong ito ay nagpapakita ng dedikasyon ng kapulisan sa paglipol ng mga iligal na aktibidad na sumisira sa bansa.

Bago pa man ang nasabing pagsabat, naaresto ang tatlong indibidwal na pinaghihinalaang sangkot sa kalakalan ng droga sa isinagawang operasyon.

Nakumpiska ang mga selyadong shabu sa loob ng apat na kahon.

Ang apat na kahon na naglalaman ng iligal na droga ay may iisang airway bill number, na nagpapahiwatig ng organisadong pamamaraan ng pagpupuslit.