Tinitiyak ng Pamahalaang Panlalawigan ng Albay, sa pangunguna ni Governor Noel Rosal, na handa ang lalawigan sa anumang pagbabago sa antas ng alerto ng Bulkang Mayon.
Sa kasalukuyan, nananatili ang alert level, ngunit naghahanda na ang lalawigan para sa posibleng pagtaas nito sa Alert Level 4.
Ayon kay Governor Rosal, sakaling umakyat ang alert level sa 4, kinakailangan ang paglikas ng mahigit 70,000 katao mula sa mga apektadong lugar.
Bilang paghahanda, inuutos na rin ang agarang pagkumpuni at pagsasaayos ng mga evacuation center sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan upang matiyak na ligtas at komportable ang mga evacuees.
Bukod pa rito, binigyang-diin ni Governor Rosal ang kahalagahan ng responsableng paggamit ng Calamity Fund ng lalawigan.
Tinitiyak niya na ang pondo ay gagamitin nang maayos at epektibo upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga apektadong residente.
Kasabay nito, tiniyak naman ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang sapat na suplay ng food packs para sa mga evacuees sa loob ng anim na buwan.
Nagpaabot din ng pasasalamat si Governor Rosal kay Pangulong Marcos sa pagpapadala kay DSWD Secretary Gatchalian sa Albay.
Samantala, ayon kay Dr. Paul Alanis ng DOST-PHIVOLCS, sa kasalukuyan ay walang senyales na dapat itaas ang alert level sa Alert Level 4.
Ito ay dahil wala pang naitalang malaking paglala sa aktibidad ng Bulkang Mayon. Gayunpaman, patuloy pa rin ang kanilang pagsubaybay at pag-aanalisa sa sitwasyon ng bulkan.
















