-- Advertisements --

Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na hanggang sa ngayon ay wala pa rin “proof of life” sa 34 na nawawalang sabungero.

Ayon kay PNP spokesperson Col. Jean Fajardo, sa kabila ng pagsusumikap ng CIDG investigators ay wala pa ni isa sa mga nawawalang sabungero ang nakikitang buhay hanggang ngayon.

Sinabi ni Fajardo, matapos kasuhan ang mga security personnel ng Manila Arena ay isusunod na ipaghaharap ng kaso ay ang mismong mga pulis mula sa Laguna.

Sila kasi ang mga itinuro sa Senate hearing na diumano’y dumukot sa ilang mga nawawalang sabungero.

Kabilang dito sina Patrolman Roy Navarete, Staff Sergeant Daryl Paghangaan at Master Sargeant Michael Claveria.

Nitong Miyerkules ay sinibak na rin ang provincial director ng Laguna Provincial Police Office na si Col. Rogarth Campo habang iniimbestigahan ang kaso ng mga nawawalang sabungero.

Samantala, inilipat na sa PRO4A Regional Holding and Accounting Unit ang dalawang pulis Laguna na idinawit sa pagdukot sa ilang mga sabungero at itinuro sa Senate hearing.

Ito ay sina Patrolman Roy Navarete at staff Sergeant Daryl Paghangaan na kapwa nakatalaga sa Laguna Provincial Intelligence Branch.

Ayon kay Fajardo iimbestigahan din ang kanilang mga immediate superiors, alinsunod sa prinsipyo ng command responsibility.

Sina Paghangaan at Navarette ay itinuro ng mga kamag-anak ng mga nawawalang sabungero na kasama sa mga dumukot sa kanilang mga kaanak.

Partikular na ang master agent ng e-sabong na si Ricardo “Jonjon” Lasco ng San Pablo City, Laguna.

Nauna nang sinabi ni M/Gen. Eliseo Cruz, director ng PNP CIDG na kahit itinatanggi ng mga pulis ang akusasyon sa kanila ay kakasuhan pa rin nila ang mga ito base sa testimonya ng mga kamag-anak ng mga nawawalang sabungero at mga makakalap nilang ebidensya.