-- Advertisements --

Tiniyak ni PNP chief Gen. Guillermo Eleazar na lalo pang palalakasin ng PNP ang kanilang kampanya laban sa iligal na droga kontra sa mga sindikato na patuloy sa kanilang illegal drug trade.

eleazar1 1
PNP chief Gen. Guillermo Eleazar

Ang pahayag ni Eleazar ay bunsod sa inisyal na resulta ng NBI investigation hinggil sa nangyaring fatal encounter sa pagitan ng mga tauhan ng PNP at PDEA sa Commonwealth Avenue sa Quezon City kung saan isang inmate sa Sablayan Penal Colony sa Occidental Mindoro ang siyang nagkukumpas umano sa drug deal sa pagitan ng PNP at PDEA sa loob mismo ng kaniyang selda.

Dahil sa nangyari sa Commonwealth at muntik na namang engkwentro sa Fairview sa Quezon City kaya agad bumuo ng guidelines ang PNP at PDEA para maiwasan ang kahalintulad na insidente.

Sinabi ni Eleazar kapag may operasyon sa isang lugar ang PNP at PDEA hindi sila pwedeng magsabay pwera na lamang kung ito ay joint operation.

Nagkasundo ang PNP at PDEA na istrikto nilang sundin ang binuong anti-drug operation guidelines o protocol.

Kapwa naman iginiit ng PNP at PDEA na legitimate ang kanilang operasyon.

Una rito, ibinunyag ni NBI NCR Director Cesar Bacani batay sa kanilang imbestigasyon na isang Melvin Magallon alias Pawpaw na nakakulong sa Sablayan Penal Colony ang nagdidikta sa tempo sa nasabing illegal drug transaction.

Gagawin din ng PNP ang lahat para mapanagot ang mga sindikato dahil sa kanilang ginawa.

Siniguro rin ni Eleazar na hindi na mauulit pa ang Commonwealth at Fairview incidents sa pagitan ng dalawang law enforcement agencies.