Para kay PNP chief Gen. Guillermo Eleazar, “justice is finally served” matapos hatulan ng guilty verdict ng Tarlac Regional Trial Court si dating P/MSgt. Jonel Nuezca.
Si Nuezca ang walang awang bumaril at nakapatay sa mag-inang sina Sonia at Frank Anthony Gregorio sa gitna ng mainitang pagtatalo sa Paniqui, Tarlac noong isang taon.
Pinatawan si Nuezca ng parusang reclusion perpetua o habangbuhay na pagkakabilanggo at pinagbabayad din siya ng tig P476,280 na multa sa naulilang pamilya nina Sonia at Frank Gregorio.
Ayon kay Gen. Eleazar dismissed na serbisyo si Nuezca at lahat ng benepisyo nito sa PNP ay forfeited.
Giit ni PNP chief na kanilang nauunawaan ang pakiramdam ng pamilya Gregorio na ang parusang iginawad ng hukuman sa kanya ay hindi sapat sa bayolenteng pagkawala ng buhay ng kanilang dalawang kaanak.
Subalit naipakita naman na umiiral ang hustisya sa ating bansa at kailanman ay hindi kinukunsinti ng inyong Philippine National Police ang mga ganitong uri ng pulis.
Sinabi ni Eleazar, walang puwang sa kanilang hanay ang mga pulis na abusado tulad ni Nuezca at hindi nararapat sa kanilang uniporme.
Magugunitang sinibak sa serbisyo si Nuezca nito lamang Enero matapos mapatunayan ng PNP Internal Affairs Service (IAS) na may sapat na batayan para gawin iyon dahil sa kaniyang karumal-dumal na ginawa.
Kasabay nito, mahigpit na binilinan ni Eleazar ang mga pulis na laging gawin kung ano ang tama at nararapat upang maibalik ang tiwala ng publiko sa kanilang hanay.
Sa ngayon isa pang pulis ang nahaharap sa court trial si Hensie Zinampan, na nakunan ang video sa pagpatay sa isang ginang sa Quezon City.
Nasibak na rin ito sa serbisyo, at kumpiyansa ang PNP na makakamit ng pamilya ang hustisya.
Inihayag ni Eleazar na ang kaso nina Nuezca at Zinampan ay magsisilbing leksiyon sa mga police officers.