Nagbabala si Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa Vietnam dahil sa plano nitong kuwestyunin ang 60-day import ban ng Pilipinas.
Unang iniutos ni Pang. Marcos ang import ban bilang tugon sa problema ng mga magsasaka na mababang farmgate price dahil sa pagbaha ng maraming inangkat na bigas sa merkado.
Ayon kay Sec. Laurel Jr., kung ipipilit ng Vietnam ang planong pagkwestyun sa naturang kautusan sa World Trade Organization (WTO) ay tiyak na mapipilitan ang Pilipinas na hindi na bumili ng bigas sa naturang bansa, salig sa panuntunan ng naturang organisasyon.
Nanindigan ang kalihim na ang ginawa ng pangulo ay isang paraan para protektahan ang mga magsasaka.
Sa ilalim ng panuntunan ng WTO aniya, ang pagprotekta ng Pilipinas sa national interest nito ay dapat nangingibabaw, bagay na ginawa lamang ng bansa.
Dahil dito, wala na aniyang rason upang kuwetyunin o hamunin pa ng Vietnam ang naging hakbang ng Pilipinas dahil ito ay pagprotekta sa national interest ng bansa.
Magsisimula ang import ban sa Setyembre-1 kung saan tuluyan nang ipagbabawal ang ang pag-angkat ng bigas mula sa ibang bansa sa loob ng animnapung araw.
Giit ng kalihim, ang naturang paraan ay para mapatatag ang presyo ng lokal na palay at maiwasan ang pagkalugi ng mga magsasaka bunsod ng murang imported na bigas.