Ipinag-utos na ni PNP chief PDGen. Oscar Albayalde ang isang malalimang imbestigasyon kaugnay sa pagkamatay ni Pasay City PNP Intellegence Section Chief SInsp. Manuel Taytayon, matapos makipagbarilan sa isang puganteng suspek kamakalawa.

Siniguro naman ni Albayalde sa pamilya ni Sinsp Taytayon ang hustisya.

Binisita kanina ni Albayalde ang burol ng bayaning pulis.

Una ng naghayag ng pagdududa ang pamilya sa pagkamatay ni Taytayon na nagtamo ng dalawang tama ng bala sa likod.

Paliwanag ng PNP chief, pinatitignan niya kung talagang naunahan ng suspek ang mga pulis, dahil normal lang aniya na instinct ng pulis na umatras at mag-cover kapag unang pinaputukan, kaya sa likod tinamaan si Taytayon.

Ayon kay Albayalde, inatasan na niya ang NCRPO na imbestigahan kung nagkaroon ng “lapses” sa naturang operasyon dahil possible din aniyang nabuhay pa si Taytayon kung maaga itong nadala sa ospital.

Ayon naman kay PNP Spokesperson CSupt. Benigno Durana kumpirmado naman aniya ng ballistics test na sa baril ng suspek nanggaling ang mga slug na tumama sa likod ni Taytayon, at ito ang naging “fatal shots” na ikinamatay nito.

Pero meron pa aniya si Taytayon na dalawang tama sa katawan na hindi na recover ang slug kaya hindi pa malaman sa ngayon kung kaninong baril galing.

Samantala, tiniyak naman ni Durana na bibigyan ng posthomous award ang nasawing pulis at matatanggap ng pamilya ang karampatang tulong