Pinangunahan ni Philippine National Police (PNP) chief PGen Rommel Francisco Marbil ngayong araw, Setyembre 14, ang paglulunsad ng Revitalized-Pulis sa Barangay program sa lungsod ng Lapu-lapu.
Dinaluhan ito ng nasa 8,000 katao, kabilang ang mga lokal na opisyal, organisasyon, mga tauhan ng pulisya at iba pang uniformed personnel sa Central Visayas.
Layunin ng programang ito na magkaisa at palakasin ang ugnayan ng kapulisan, security units, barangay officials, at mga komunidad sa buong bansa sa paglaban sa ilegal na droga.
Inaasahan pang makagawa ito ng malaking epekto sa paglaban sa mga krimen na may kaugnayan sa droga at sa pagtataguyod ng kultura ng kaligtasan at seguridad sa mga komunidad.
Sa kanyang mensahe, inihahalintulad pa ng PNP chief ang buhay sa isang pelikula na may bida at kontrabida at kanyang binigyang-diin na habang nabubuhay pa umano ay may pag-asa.
Idinagdag pa nito na mahalagang malaman ng mamamayan kung ano ang kanilang mga ginagawa at kung ano ang kailangang gawin para maiwasan ang droga o mapunta sa masasamang gawain.
Kabilang pa aniya dito ang kamalayan, paggalang sa awtoridad, teamwork at pagsuporta sa sistema ng media.