Ibinida ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang mga kagamitan na siyang gagamitin para sa nalalapit na national and local elections.
Patunay din ito na handang-handa na ang pambansang pulisya sa pagbibigay seguridad at tulong sa Commission on Election (Comelec).
Sa isinagawang dispatch ceremony sa Camp Crame nitong araw ng Miyerkules, binasbasan ang kanilang logistics equipment.
Kasama rito ang mga radio na gagamitin sa komunikasyon.
Mga baril, shields, bullet proof vests at hazmat suits para sa pagbabantay ng seguridad at pagtugon sa anumang insidente at mga transportation equipment na motorsiklo at police patrol.
Ayon kay PNP chief police General Dionardo Carlos na mahalaga na magkaroon ng lahat ng suporta sa mga pulis na magdu-duty sa halalan.
Ito’y para matiyak na magiging maayos ang eleksyon.
Kasunod nito, pinaalalahanan ni Carlos ang mga pulis na maging tapat sa pagtupad sa kanilang tungkulin para maging matagumpay ang eleksyon.
Samantala, ayon kay kay PNP Directorate for Logistics director MGen. Ronaldo Olay, deployed na ang kanilang mga resources sa iba’t ibang police regional offices sa buong bansa.
In-place na rin daw ang mga gagamiting sasakyan na tutulong sa pag-transport ng mga election paraphernalia sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sinabi ni Olay bukod sa mga sasakyan, nakahanda na rin ang kanilang mga aircraft at watercraft.
Ayon sa heneral, hindi lahat ng kanilang mga kagamitan ay bago pero ang mga sasakyan at mga baril ay bagong bili ng pambansang pulisya.