Inatasan na ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Rommel Francisco Marbil ang kapulisan na resolbahin ang mga validated election-related incident (ERI) na naitala sa May 12 elections sa lalong madaling panahon.
Maalalang umabot sa 97 ang mga validated ERI kasunod ng mahaba-habang pagbabantay sa halalan mula pa noong nagsimula ang kampaniyahan.
Ang mga ito ay patuloy na sinisiyasat habang sa ilang kaso ay mayroon na ring natukoy na lead ang pulisya.
Ayon kay General Marbil, inatasan na niya ang lahat ng Regional at Provincial Directors ng PNP upang lawakan ang imbestigasyon at regular na magbigay ng report ukol sa progreso ng pagsisiyasat.
Dapat aniyang mayroong mapanagot sa lalong madaling panahon, at maresolba ang mga ito.
Umapela rin ang PNP Chief sa publiko na makipagtulungan para sa mabilisang ikareresolba ng mga kaso. Nakahanda aniya ang local police station na tumugon sa kanilang impormasyon, kasama na ang pagbibigay ng seguridad sa kanila kung matukoy na ito ay kailangan.