Patuloy pang iniimbestigahan ngayon ng Cavite Police Provincial Office ang motibo kaugnay sa isang parish priest na natagpuang nakagapos sa loob ng kotse.
Una rito, natagpuan kahapon araw ng Linggo sa Silang, Cavite ang pari na naiulat na ilang araw ng nawawala o missing.
Ayon kay Silang chief of police, Lt. Col. Juan Peñafiel Oruga Jr., na bandang ala-1:30 ng hapon kahapon natagpuan sa Barangay Lumi ang pari na nakatali ang kamay nito.
Napag alaman na ang nasabing pari ay parish priest ng isang simbahan sa Rosario, Cavite.
Sinabi ni Col. Oruga na hindi pa nila nakukuhanan ng salaysay ang pari dahil nasa “state of shock” ito at kasalukuyang ginagamot sa pagamutan.
Nakikipag-ugnayan na rin ang Silang PNP sa Rosario PNP para sa imbestigasyon sa insidente.
Samantala, ayon naman kay Lt. Col Ruther Saquilayan, hepe ng Rosario Municipal Police Station, nakitang nakagapos sa loob ng kanyang sariling sasakyan at buhay ang missing priest na si Rev Fr. Leoben Peregrino, 58.
Huling nakita sa Rosario Cavite ang pari noong umaga ng April 1 bago ito maiulat na nawawala sa pulisya.
Sakay ng kanyang Mitsubishi Adventure na may plakang VES 470, patungong Imus, Cavite ang pari para bumili ng kandila noong umaga ng April 1, pero mula noo’y hindi na ito nakabalik, hanggang matagpuan ito kahapon.
Si Fr. Perigrino ay anim na taon ng nagsisilbing parish priest sa Rosario, Cavite.