-- Advertisements --

Inalmahan ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag ang pahayag ni Senate President Alan Peter Cayetano na “under attack” ang Senado noong Miyerkules, Mayo 13.

Iginiit ng NBI Director na kumilos lamang ang security personnel ng Senado base sa mga assumption na aatake ang panig ng NBI.

Paliwanag pa ni Matibag, tumugon ang security personnel ng Senado na tila ba may banta ng pag-atake nang hindi muna nakikipag-ugnayan sa security personnel ng GSIS building, na siyang namamahala sa karugtong na gusali.

Ang pahayag ni Matibag ay direktang sumasalungat sa paninindigan ng Senate President na sinalakay ang Senado matapos ang naganap na putukan malapit sa boundary na naghihiwalay sa mga inuupahang opisina ng Senado at ng GSIS.

Ayon kay Matibag, isang simpleng pagkukulang o lapse ang nangyari; dapat aniya ay bineripika muna ng Senate security ang totoong sitwasyon bago sila umakto.

Dagdag pa niya, dapat ay maaga pa lang, o nitong mga nakaraang linggo, tumawag na si suspended Senate acting Sergeant-at-Arms Mao Aplasca sa NBI o GSIS kung naniniwala silang may banta ang mga armadong kalalakihan sa katabing lugar.

Ipinaliwanag din ni Matibag na walang dahilan para abisuhan ng NBI ang Senado ukol sa kanilang presensya dahil wala namang planong operasyon sa loob mismo ng Senado. Sa halip, nakipag-ugnayan ang NBI sa GSIS at sa security officer nito.

Binigyang-diin ni Matibag na kung ayaw siyang tawagan ng Senate security, maaari naman nilang direktang kontakin ang GSIS security officer upang alamin ang nangyayari.

Nanindigan siyang walang naging operasyon ang NBI sa loob ng Senado, at nakipag-ugnayan lamang sila sa GSIS matapos mismong ang ahensya ang humingi ng tulong mula sa kanila.