Hindi sumipot sa imbestigasyon ang mahigit sampung personnel ng Senado na ipinatawag kaugnay ng nangyaring pamamaril sa loob mismo ng Senado noong gabi ng Mayo 13.
Naun na ngang napaulat na isinilbi ng mga tauhan ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang mga subpoena sa mga naturang staff nitong Martes ng hapon.
Kinumpirma rin ni CIDG Director Major General Robert Alexander Morico II na mahigit 10 empleyado ang saklaw ng kautusan.
Bagama’t hindi pinangalanan ang mga ito, sinabi ni Morico na nagpadala ng opisyal na liham ang mga personnel upang ipaliwanag ang kanilang pagliban.
Samantala, ilang tauhan mula sa Senate Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA) ang nauna nang sinabi ng PNP na humarap na sa CIDG nitong Martes, subalit nilinaw ni Morico na bigong dumating si suspended acting Sergeant-at-Arms Mao Aplasca o sinumang opisyal ng OSAA.
Nang tanungin kung mahaharap sa kaukulang kaso ang mga hindi sumipot, inihayag ni Morico na pag-aaralan pa ng CIDG ang susunod nilang hakbang hinggil dito.














