-- Advertisements --

Natapos na ng Forensic Group ng Philippine National Police (PNP) ang imbestigasyon sa pamamaril sa Senado noong Mayo 13, at naisumite na ang kanilang mga natuklasan sa PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).

Ayon kay PNP Forensic Group Director Col. Pierre Paul Carpio, naitugma ang lahat ng anggulo na dapat maitugma sa lugar ng krimen gayundin ang matching ng iba’t ibang ebidensiya.

Ipinakita rin ng opisyal ang 3D scanning na isinagawa sa kasagsagan ng insidente at ang trajectory o direksyon ng mga bala sa hallway. Base rito, ang lahat ng butas ng bala ay nagmula sa mga gunshot na naitala sa loob mismo ng gusali.

Sa pagsusuri sa crime scene, gumamit ang grupo ng “blue box” upang ipakita ang kabuuan ng pinangyarihan ng krimen at kung paano isinagawa ang Scene of the Crime Operations (SOCO).

Nauna nang inilabas ng CIDG ang isang CCTV footage na nagpapakitang si suspended Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca ang unang nagpaputok ng baril, na naging dahilan upang gumanti ng putok ang tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI).

Ilang oras matapos ang kaguluhan, umalis sa premises ng Senado si Senador Ronald “Bato” dela Rosa, kung saan siya pansamantalang nagpakustodiya sa gitna ng kinakaharap nitong arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC).