Kinuwestiyon ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla kung tunay na naipatutupad ang anim na buwang suspensiyon laban kay dating Senate Acting Sergeant-at-Arms Mao Aplasca matapos ang insidente ng pamamaril noong Mayo 13.
Ito ay kasunod ng mga ulat na patuloy na namamataan si Aplasca sa loob ng Senado. Bukod dito, nagpaunlak din ng mga panayam sa media ang retiradong heneral, na nagdulot ng hinalang binalewala ang direktiba ng Ombudsman.
Ayon kay Remulla, nagpadala na siya ng liham kay Senate President Alan Peter Cayetano upang hingin ang opisyal na ulat ng pagsunod o compliance report sa suspension order at alamin ang mga kaukulang aksiyong ginawa ng Senado.
Nagbabala rin ang Ombudsman na ang hindi pagsunod dito ay maaaring maging isang “constitutional issue,” na handang aksyunan aniya ng mga awtoridad kung kinakailangan.
Binigyang-diin ni Remulla na kapag suspendido ang isang opisyal, hindi ito dapat gumaganap sa anumang tungkulin sa gobyerno at hindi rin dapat tumatanggap ng sahod mula sa kaban ng bayan.
Idinagdag niya na kung nais man ng Senado na bigyan ng trabaho si Aplasca, dapat itong gawin sa pribadong kapasidad. Kaugnay nito, binigyang-diin ng Ombudsman na may kapangyarihan silang maglabas ng subpoena para sa mga dokumento, kabilang ang payroll records, upang maberipika kung nasusunod ang kautusan.
















