Posibleng imbestigahan si Senate President Alan Peter Cayetano kaugnay sa papel ni suspended Acting Sergeant-at-Arms Mao Aplasca sa nangyaring pamamaril sa Senado noong Mayo 13.
Ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla, tatanungin nila si Aplasca kung sino ang nagbigay sa kaniya ng direktiba. Matatandaang bago ang shooting incident, sinabi ni Aplasca na mayroon silang “aarestuhin.”
Binigyang-diin ng kalihim na nais nilang malaman kung sino ang nag-utos ng pag-aresto nang sabihin ni Aplasca na mayroon silang “aarestuhin.” Ito ay dahil hindi naman kumikilos nang walang direktiba ang Office of the Sergeant-at-Arms.
Maaalala, inamin ng retired major general na siya ang unang nagpaputok ng warning shot laban sa tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) bilang bahagi aniya ng “rules of engagement” kapag nalalagay sa panganib ang kanilang kasamahan.
Una na ring inihayag ng PNP-CIDG na may pananagutan si Aplasca at dalawa pang security personnel sa paglabag sa Private Security Services Industry Act kaugnay ng insidente. Nitong Huwebes, sinabi ng CIDG na may koneksyon ang shooting incident sa pagtakas ni Senador Ronald dela Rosa mula sa premises ng Senado noong madaling araw ng Mayo 14.
















