Sinabi ni SEN Panfilo Lacson na batay sa paunang findings ng mga imbestigador, posibleng “trigger-happy” na aksyon ng isang miyembro ng Senate Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA) ang naging ugat ng paglala ng insidente ng putukan sa Senado noong Mayo 13.
Ayon kay Lacson, lumabas sa initial findings ng Philippine National Police at ng CIDG na ang OSAA personnel umano ang unang nagpaputok ng ilang sunod-sunod na bala. Gayunman, nilinaw niyang hindi pa pinal ang resulta ng imbestigasyon.
Hindi niya pinangalanan kung sino ang tinutukoy na personnel, ngunit matatandaang inamin ni suspended Senate Sergeant-at-Arms na si Mao Aplasca na siya ang unang nagpaputok ng warning shots sa insidente.
Sinabi rin ni Lacson na bilang dating imbestigador, mahalagang suriin sa anumang kaso ang tatlong elemento: means, opportunity, at motive. Aniya, ang motibo ang isa sa pinakamahalagang salik sa pag-alam sa tunay na layunin sa likod ng isang insidente.
Dagdag pa niya, kung magsasagawa man ng pagdinig ang Senado, dapat itong tumuon sa mga remedial measures at mga hakbang para maiwasan ang pag-ulit ng kaparehong insidente, habang ang imbestigasyon sa posibleng pananagutang kriminal ay ipaubaya sa mga law enforcement agencies. (Report by Bombo Jai)














