Nagpahayag ng kumpiyansa ang House prosecution panel na agad magpapatuloy ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte matapos pormal na magtipon ang Senado bilang impeachment court.
Ayon kay lead prosecutor at Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, walang legal na hadlang sa pagpapatuloy ng paglilitis dahil wala namang inilabas na temporary restraining order ang Korte Suprema.
Iginiit ni Luistro na ang utos ng Konstitusyon na “forthwith” ay hindi lamang para sa convening ng impeachment court kundi para rin sa agarang pagsisimula ng trial, kabilang ang presentasyon ng ebidensya at mga testigo.
Nilinaw din niya na magpapatuloy ang paglilitis kahit hindi dumalo si Duterte o hindi magsumite ng sagot sa reklamo, dahil awtomatikong ituturing itong plea of not guilty ayon sa Senate rules.
Samantala, sinabi ni Akbayan Rep. Chel Diokno na handa na ang prosecution panel sa paglilitis at wala silang nakikitang sagabal sa proseso.
Nauna nang inatasan ng Senado si Duterte na magsumite ng tugon sa articles of impeachment sa loob ng 10 araw mula sa pagtanggap ng summons. Pagkatapos nito, itatakda na ang pre-trial at trial proper.









