-- Advertisements --

Itinalaga sina Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong at Kabataan Rep. Renee Co bilang mga opisyal na tagapagsalita ng Kamara de Representantes para sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Senado.

Kinumpirma ito ni Lead Prosecutor Jinky Luistro sa isang press conference ngayong Martes, Mayo 19. 

Ayon kay Luistro, ang dalawa ang hahawak sa mga pahayag para sa panel ng mga taga-usig ng mababang kapulungan.

Si Adiong, na pinuno rin ng House committee on suffrage at kilalang miyembro ng “Young Guns” bloc, ay nangakong ilalatag ang mga ebidensya nang may linaw, patas, at transparent para sa interes ng publiko.

Samantala, si Co naman na isa sa mga pinakabatang mambabatas mula sa minorya at Makabayan bloc, ay nagpahayag na tututukan niya ang pagpapaliwanag sa proseso ng pananagutan at ang kahalagahan ng paglilitis sa mga mamamayan, partikular sa kabataan.

Nahaharap si Duterte sa mga akusasyon ng maling paggamit ng pondo, panunuhol, hindi maipaliwanag na kayamanan, at pagbabanta sa buhay nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating Speaker Martin Romualdez. 

Ang paglilitis sa Senado ang magiging huling pormal na plataporma ng Bise Presidente upang ipagtanggol ang sarili bago magpasya ang mga senador kung sapat ang ebidensya para siya ay matanggal sa pwesto.