Nilinaw ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na ang hindi pag-aresto kay Senador Ronald ”Bato” dela Rosa ay hindi dahil sa kakulangan ng kagustuhan na ipatupad ang batas, kundi nakabatay umano sa umiiral na legal na proseso.
Ayon sa DILG, ang naging batayan ng ahensya ay ang Section 17 ng Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide, and Other Crimes Against Humanity, na binanggit din ng Department of Justice (DOJ).
Sa ilalim kasi ng batas na ito, maaaring isuko ang isang indibidwal sa International Criminal Court (ICC) o litisin ito sa lokal na hukuman sa Pilipinas kung may kaukulang warrant kaugnay ng crimes against humanity.
Binigyang-diin ng DILG na inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga kinauukulang ahensya, kabilang ang Philippine National Police (PNP), na hintayin muna ang magiging pasya ng Supreme Court bago magsagawa ng anumang aksyon kung wala namang utos mula sa hukuman ng bansa.
Nauna nang sinabi ni Justice Secretary Fredderick Vida, na walang inilabas na manhunt order laban kay Dela Rosa.
Iginiit pa ng DILG na ang kanilang hakbang ay hindi kawalan ng aksyon kundi pagsunod lamang sa Konstitusyon, due process, at rule of law ng Pilipinas.
















