Iginiit ng Partido Demokratiko Pilipino o PDP na ang pananatili ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa sa Senado ay hindi dapat ituring na “detention,” kasabay ng pahayag na hindi umano valid ang arrest warrant mula sa International Criminal Court.
Ayon kay Partido Demokratiko Pilipino national spokesperson Raul Lambino, kusang aniyang pumunta si Dela Rosa sa Senado at humingi lamang ng “protective custody,” kaya hindi umano ito maituturing na pagkakakulong o paglabag sa kanyang kalayaan.
Giit pa ni Lambino, malaya pa rin ang senador at hindi siya restrain sa kanyang paggalaw, kaya hindi raw tama ang terminong detention sa kanyang sitwasyon.
Pinanindigan din ng PDP na walang bisa ang ICC warrant kung walang lokal na court order mula sa Pilipinas, at hindi ito maaaring gamitin ng mga law enforcement agencies sa bansa bilang basehan ng pag-aresto.
Samantala, kinumpirma ni Senate President Alan Peter Cayetano na umalis si Dela Rosa sa Senado bandang 2:30 a.m. noong Huwebes, ilang oras matapos ang tensyon at ulat ng putukan sa loob ng gusali.
Hanggang sa ngayon, wala pang malinaw na impormasyon kung nasaan ang senador matapos ang kanyang pag-alis sa Senado. (report by Bombo Jai)















