Umabot sa isang milyong konsyumer ng Manila Electric Company (Meralco) ang nakaranas ng power interruptions kamakailan matapos isailalim sa red alert ang Luzon power grid dahil sa manipis na reserba ng kuryente.
Ayon sa Meralco, nagpatupad sila ng Manual Load Dropping (MLD) o rotational brownouts kasunod ng abiso ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na inilagay sa red alert ang Luzon mula alas-3:00 ng hapon hanggang alas-8:00 ng gabi noong Miyerkules.
Ipinatupad ang red alert dahil sa forced outage ng ilang power plants na nagresulta sa kakulangan ng higit 3,000 megawatts ng combined capacity.
Sa situation update ng Meralco hanggang alas-7:30 ng gabi, sinabi ng kumpanya na tumagal ng dalawa hanggang tatlong oras ang rotational brownouts.
Naitala ang kabuuang mahigit 920,000 customers na naapektuhan sa mga bahagi ng Batangas, Bulacan, Cavite, Laguna, Metro Manila, at Rizal.
Ayon sa Meralco, agad namang naibalik ang suplay ng kuryente sa mga apektadong lugar matapos ang pagpapatupad ng MLD.
















