Iniimbestigahan na ng National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) ang posibilidad na “staged” o may naganap na sabwatan sa insidente sa loob ng Senado.
Tumanggi ang NBI na kumpirmahin ang naturang spekulasyon at iginiit na bahagi pa ito ng patuloy na imbestigasyon.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, nakatuon ang kanilang pagsisiyasat sa mga factual evidence habang nakikipagtulungan ang PNP sa pag-imbestiga sa 20 personalidad na naroon sa lugar. Kasalukuyang sinusuri ng mga awtoridad ang mga kuha sa CCTV at mga basyo ng bala na narekober.
Binigyang-diin ni Matibag na hindi pa sila maaaring maglabas ng anumang konklusyon habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, ngunit tiniyak niyang isasapubliko ang resulta sa oras na ito ay matapos.
Kinumpirma naman ni PNP Chief Lt. Gen. Nartatez Jr. na ang NBI ang nangunguna sa naturang imbestigasyon. Sa kasalukuyan, tinutukoy na ng mga awtoridad ang mga may bitbit na armas at mga nakatalagang security forces sa loob ng Senado.
Kabilang sa mga isinasailalim sa accounting ay ang mga tauhan mula sa Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA) Security, Police Security and Protection Group (PSPG), at Armed Forces of the Philippines (AFP), partikular ang mga miyembro ng Philippine Marines.
Ayon kay Nartatez, nasa 20 indibidwal na ang natukoy at nakapanayam na nila ang OSAA at NBI. Ikokompara ng mga imbestigador ang mga pahayag ng mga saksi sa mga pisikal na ebidensyang nakuha, kabilang ang mga basyo ng bala at mga kuha mula sa CCTV footage sa lugar.
















