-- Advertisements --
body worn camera cameras PNP

Ipinag-utos ni PNP chief General Guillermo Lorenzo Eleazar ang pagbuo ng Technical Working Group (TWG) para pag-aralan at isama sa kanilang panuntunan ang mga itinakda ng Korte Suprema tungkol sa paggamit ng body-worn cameras (BWCs).

Ang PNP Directorate for Operations (DO) at ang Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM) ay siyang naatasan na gumawa ng rekomendasyon sa kung sinu-sino ang bubuo sa TWG.

Inaatasan din ni Eleazar ang TWG na bumalangkas ng mga module na gagamitin sa pagsasanay gayundin sa mga seminar program ukol sa legal na aspeto sa pagpapagamit ng BWCs sa mga pulis na tumanggap na ng kanilang yunit noong isang buwan.

Sa ngayon mayroong 2,696 body cameras ang nauna nang ipamahagi sa 171 police stations.

Layon ng PNP sa paggamit ng body-worn camera ay para siguruhin ang transparency at pagiging lehitimo ng mga ikinakasang operasyon.

Nitong Biyernes, July 9, nagpalabas ang Supreme Court En Banc ng resolusyon kabilang na ang mga panuntunan sa paggamit ng body-worn cameras sa pagpapatupad ng Warrants.

Ang resolusyon ay nakabase sa kahilingan ng PNP sa High Tribunal sa pamamagitan nila Secretary of the Interior and Local Government (SILG) Eduardo Año at Secretary of Justice Menardo Guevarra.

Nakasaad sa SC Rules ang partikular na probisyon mula sa pagpapalabas ng mga arrest at search warrant ng mga korte hanggang sa pagsisilbi na nito ng mga pulis.

Nagpalabas din ng panuntunan ang SC tungkol sa pagpapanatili ng recordings mula sa BWCs, ang chain of custody sa mga video recording at kailangang masunod ang mga legal na proseso sa pag access sa recordings ng BWCs.

Magiging epektibo ang SC Rules sa paggamit ng body-worn cameras sa pagpapatupad ng warrant matapos mailathala sa Official Gazette o di kaya’y sa alinmang pahayagan.

Sa kasalukuyan, kailangan pa ng PNP ang humigit kumulang 30,000 BWCs para maipamahagi sa lahat ng istasyon ng pulisya at lahat ng yunit sa buong bansa.

Sinabi ni Eleazar na gumagawa na sila ng information kit sa mga BWC na ibibigay sa mga potential donor para masigurong compatible sa sistema ng mga natanggap ng PNP nitong unang bahagi ng taon.

Una nang nangako ang Public Safety and Savings and Loan Associations, INC, (PSSLAI) na magdo-donate ng limang set ng BWCs sa PNP. bawat set ay may 16 na BWC at iba pang kagamitan na nagkakahalaga ng P2 milyon.

Ibinunyag pa ni Gen Eleazar na may mga local chief executives, pribadong indibidwal at grupo ang nagpahayag na rin ng interes na mag-donate ng BWC sa PNP.