-- Advertisements --

CHINA1

Planong buhayin muli ng Philippine National Police (PNP) ang pagtatayo ng mga ‘Chinese desk’ upang tugunan ang mga usaping kinasasangkutan ng mga Chinese nationals dito sa Pilipinas.

Ito ang tinalakay sa isinagawang virtual meeting sa pagitan nina PNP chief Gen. Guillermo Eleazar at ni Chinese Ministry of Public Safety chief, Dir. Gen. Wang Xiaohong na siya ring Vice Minister ng International Cooperation Department.

Ayon kay Eleazar, layon nitong patatagin at palakasin ang ugnayan at pakikiisa sa pagitan ng pulisya ng Pilipinas at China sa pagtugon sa mga tinatawag na transnational security concern na nakakaapekto sa dalawang bansa.

Kabilang sa mga tinalakay ay ang pagtugis sa mga nagpapatakbo ng iligal na Philippine Offshore Gaming Operations (POGO), telecom fraud, kidnapping gayundin ang mga usaping may kinalaman sa iligal na droga.

Ayon kay Eleazar, 2018 pa nagsimulang magtayo ang PNP ng mga Chinese help desk na siyang tutugon sa pangangailangan gayundin ay maresolba ang mga kasong kinakaharap ng mga Tsino habang nananatili sa Pilipinas ang mga ito.

Nagkasundo rin ang PNP at Chinese police na pagtulungan ang nalalapit na 24th Winter Olympics na gagawin naman sa Beijing sa susunod na taon.