-- Advertisements --

Ngayon pa lamang ay todo paghahanda na ang ginagawa ng Philippine National Police (PNP) para sa pag-uumpisa ng campaign period sa local election.

Ayon kay PNP spokesperson Col. Jean Fajardo, naglalatag na sila ng seguridad para mapanatili ang kaayusan sa kabuuan ng election period.

“Patuloy ang ginagawang paghahanda lalong lalo na itong darating na March 25 na magsisismula na yung campaign period sa local level, binabantayan po natin yung naka lista na areas of concern, titingnan po natin kung magkakaroon ng changes at doon po magbabase ang mga gagawin nating adjustments,” pahayag ni Col. Fajardo.

Paliwanag niya, kasama sa kanilang gagawin ay pagdaragdag ng tauhan sa ground lalo na sa mga lugar na may presensya ng terror group.

Kaugnay nito, nagbabala ang PNP sa mga kandidato na kukuha ng serbisyo ng private armed group para mang-harass ng mga kalabang kandidato.

Sinabi pa ni Fajardo, na magsasagawa sila ng monitoring sa mga politiko na makikipagsabwatan sa mga sindikato ng iligal na droga lara sa tulong pinansyal sa kanilang pangangampanya.

Kakasuhan din ng PNP ang kandidatong mahuhuling nagbabayad ng permit to campaign at permit to win sa New People’s Army.

“Kasama sa ating mino-monitor yung mga narco-politician sa ngayon ay wala pa naman tayong nare-receive na mga kandidato na ginagamit yung pondo from illegal drugs, nonetheless we are continuously monitoring particularly those na may previous reports na po,” saad ng tagapagsalita ng PNP.