-- Advertisements --

Nagpahayag ng pagtutol ang China sa plano ng Pilipinas na pagtatayo ng anumang pasilidad sa Spratly Islands kahit ito ay bahagi ng exclusive economic zone ng ating bansa.

Sinabi ng Chinese Embassy na nakabase sa Maynila na tutol ang Chinese military sa anumang klase ng konstruksiyon sa naturang isla na inaangkin ng China.

Ayon kay China defense spokesman Wu Qian, makakasira umano ang hakbang na ito sa lehitimo at legal na karapatan at interes ng China sa lugar.

Ayon pa sa Embahada, sinabi ni Wu na mayroong ilang isyu sa relasyon ng China at PH na iniugnay nito sa umano’y pakikipagsabwatan ng PH sa “outside powers”, ang kabiguan din umano ng ating bansa na masunod ang ating pangako at paglabag sa umano’y soberaniya ng China.

Sinabihan din ng Chinese official ang PH na respetuhin ang kasaysayan, tanggapin ang reyalidad at huwag tahakin ang maling landas.

Sa kabila nito, bukas naman umano ang China na makipagtulungan sa PH para resolbahin ang mga pagkakaibang ito sa pamamagitan ng mga bilateral dialogue at consultation.

Una rito, inaangkin ng China ang buong South China Sea base sa kanilang 9-dash line map habang ang Pilipinas ay mayroon karapatan sa West PH Sea na parte ng malaking dispute waters base na rin sa nakasaad sa international law na pinagtibay ng arbitral ruling noong 2016.