Iniimbestigahan na sa ngayon ng Philippine National Police Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang kaugnayan ng pitong luxury cars na namataan at kasalukuyang naka-impound sa Bulacan sa mga dinidispatsyang mga sasakyan ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya.
Sa isang pulong balitaan, inihayag ni HPG Spokesperson PLt. Dame Malang na ang mga sasakyan ay pawang mga unregistered at gumagamit ng mga improvised plate numbers batay na rin sa naging pakikipagugnayan nila sa Land Transportation Office (LTO).
Batay na rin sa mga inisyal na impormasyon 12 pa lamang ang kasalukuyang dumaan sa beripikasyon ng LTO at HPG na pagmamay-ari ng mga Discaya mula yan sa bilang na halos 40 mga luxury cars ng pamilya.
Maliban naman sa posibleng koneksyon ng mga sasakyan sa mga Discaya, sinisilip na rin ng PNP kung dumaan ba sa tamang proseso ang mga sasakyan at kung dumaan ba sa pagbabayad ng buwis ang mga may-ari nito bago pa ma-acquire ang mga mamahaling sasakyan.
Kasunod nito, tiniyak naman ni Malang na patuloy lamang ang mga isinasagawang pagiikot ng kanilang hanay sa iba’t ibang bahagi pa ng bans akung saan natapos na ang ilang bahagi ng Calabarzon at maging sa Central Luzon upang matiyak na matutukoy kung sino ang personalidad sa likod ng bentahan at iligal na transaksyon na ito sa bansa.
Samantala, nahaharap naman ang pitong suspek na pawang mga negosyante sa mga reklamong reckless driving at iba pa dahil sa pagmamaneho ng mga unregistered vehicles.















