-- Advertisements --

Patuloy ang pag-arangkada ng Detroit Pistons matapos nitong tambakan ng 20 points ang No. 2 team sa Eastern Conference na Boston Celtics.

Ito na ang ika-walong magkakasunod na panalo ng Pistons, isang panibagong achievement na hindi pa nagagawa ng koponan mula noong 2008.

Nagawa ng Pistons na tapusin ang 6-game winning streak ng defending champion gamit ang halos 53% na overall shooting percentage.

Sinamantala ng Pistons ng hindi paglalaro ni 2024 NBA Finals MVP Jalen Brown upang magpasok ng kabuuang 47 shots habang binabantayan din ang rebounding at kumamada ng kabuuang 51 rebounds.

Tanging 33 shots lamang ang naisagot ng Boston at hindi nito nagawang makipagsabayan sa depensa ng Detroit. Sa kabuuan ng laban, kumamada rin ang Pistons ng 13 steals at pinilit ang defending champion na gumawa ng 17 turnover.

Tanging sa 3-point area lamang lumamang ang Boston kung saan naipasok nito ang 21 3-pointers kontra sa 13 na sagot ng Pistons. Gayunpaman, hindi naging sapat ang 3-point line para maisalba ang 2024 champion.

Muling pinangunahan ng bagitong guard na si Cade Cunningham ang kaniyang koponan at nagbulsa ng 21 points at 11 assists habang 26 points naman ang nai-ambag ng bench na si Malik Beasley.

Sa Boston, tanging si Jayson Tatum ang gumawa ng 20-point performance (27pts, 6 rebs).