-- Advertisements --

Nagbabala ang grupong PISTON na hindi ito matitinag sa pagtuligsa sa planong public utility vehicle modernization progam ng pamahalaan.

Ito ay matapos na manindigan ang gobyerno na tuluy-tuloy ang implementasyon ng itinakda nitong deadline para sa franchise consolidation at PUV modernization program.

Sa isang pahayag, sinabi ni PISTON President Mody Floranda na kabilang sa mga ikinokonsidera ngayon ng kanilang grupo ang paghahain ng apela sa Korte Suprema hinggil sa nasabing programa.

Giit ni Floranda, hindi batas ang modernization program at tanging executive order lamang aniya ito ng Department of Transportation at Land Transportation Franchising and Regulatory Board.

Ito aniya ang dahilan kung bakit walang karapatan ang naturang mga ahensya na pilitin ang mga tsuper at operator na pumasok sa usapin ng modernization program sapagkat dapat aniya’y voluntary lamang ito.

Aniya, patuloy ang kanilang gagawing mga pagpoprotesta laban sa programang ito ng pamahalaan nang pa rin sa kanilang pangambang tuluyan nang maipatupad ang traditional jeepney phaseout.

Kung maaalala, una nang binigyang-diin ng gobyerno na hindi na nito palalawigin pa ang December 31 na deadline para sa mga jeepney operators na mag-apply ng kanilang mga franchise consolidation.