KALIBO, Aklan – Puno nang takot ang isang babae nang pagtulungan umano itong halayin ng limang kalalakihan sa loob ng isang sementeryo dakong alas-2:00 kaninang madaling araw sa Numancia, Aklan.

Batay sa report ng Numancia Police Station–Women and Children Protection Desk (WCPD), bandang alas-5:00 umano ng madaling araw nang magsumbong ang isang concerned citizen na mistulang may nagaganap na kaguluhan sa loob ng sementeryo.

Bago ang insidente, sinasabing nakipag-inuman ang biktima na itinago sa pangalang Mona, 30, at residente ng Barangay Marianos sa nasabing bayan sa mga suspek na pinapaniwalaang kakilala niya ang mga ito.

Nang magkalasingan na, doon na sinimulang molestiyahin ang biktima.

Nadatnan ng pulisya ang biktima na walang saplot pang-ibaba at itinuro sa mga ito ang kanyang underwear at pantalon na sinigaan ng mga suspek.

Hindi na naabutan ng mga otoridad ang mga suspek sa lugar na patuloy na inaalam ang identity at maari umanong maharap sa kasong paglabag sa Republic Act 8353 o Anti-rape law.

Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon sa biktima kasama ng kanyang ina na tumatayong interpreter.