ILOILO CITY – Umabot na sa mahigit P111 million ang halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura sa Western Visayas kasunod ng pananalasa ni bagyong Agaton.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay James Earl Ogatis, spokesperson ng Department of Agriculture Region 6, sinabi nito na ang commodity na pinakaapektado ay ang palay na tinatayang nasa P110.2 million; sinusundan ng mais na nasa P618,000; poultry at livestock na nasa P256,000.
Sa lalawigan ng Iloilo, mahigit sa P24 million ang halaga ng pinsala sa palayan samantalang nasa P81.8 million ang production loss sa palay sa Capiz.
Nasa 4,000 naman ang bilang ng mga apektadong magsasaka at mangingisda sa buong rehiyon.
Ayon kay Ogatis, ang damage report ay inaasahang madadagdagan pa habang nagpapatuloy pa ang consolidation ng data ng ahensya.