Iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na sumampa na sa mahigit P2 billion ang halaga ng pinsala sa sektor ng imprastruktura kasunod ng mga insidente ng landslide at baha sa Mindanao.
Sa situation reports ng ahensiya ngayong araw, naitala ang naturang mga pinsala sa Region 10, 11 at Caraga region.
Kung saan ang rehiyon ng Caraga ang matinding naapektuhan na pumapalo na sa mahigit P2.3 million ang halaga ng pinsala.
Nasa kabuuang 4,822 na kabahayan naman ang napaulat na napinsala sa nasabing mga rehiyon.
Samantala, nananatili naman sa P558 million ang halaga ng napinsala sa sektor ng agrikultura.
Sa Maco, Davao de Oro, nasa 98 indibidwal ang kumpirmadong patay sa landslide habang 22 katao pa ang nasawi dahil sa baha.
Nananatili naman sa mahigit 1.5 million indibidwal ang apektado dahil sa naturang mga rehiyon kabilang na ang BARMM.
Pumapalo na rin sa mahigit P267.3 million ang halaga ng tulong na naibigay sa mga apektadong residente.