-- Advertisements --

Umakyat pa sa P104 million ang halaga ng iniwang pinsala sa agrikultura bunsod ng pananalasa ng typhoon Ulysses.

Pero ayon kay Department of Agriculture (DA) Sec. William Dar, posible pa itong madagdagan sa mga susunod na araw, dahil hanggang ngayon ay may mga pumapasok pang report ukol sa iba pang agricultural area na nadamay din sa malakas na bagyo.

Kabilang sa mga pangunahing naapektuhan ng kalamidad ang Cordillera Administrative Region (CAR), Central Luzon (Region III) at Southern Tagalog (Region IV-A).

Dahil dito, halos 3,000 magsasaka ngayon ang nawalan ng kabuhayan, habang 17,845 na ektarya ng lupain naman ang hindi magamit bilang sakahan dahil nalubog ang mga ito sa pagbaha.

Tinatayang aabot naman sa 8,000 metriko tonelada ng mga produkto ang hindi na mapapakinabangan, kasama na ang palay, mais at sari-saring gulay.