Iginiit ni AFP chief Gen. Romeo Brawner Jr. na mahalagang sumailalim ang mga sundalo sa pagsasanay gamit ang modernong missile systems, kasunod ng paggamit ng US at Japanese missile systems sa mga exercises sa bansa.
Ayon kay Brawner, layunin ng Armed Forces of the Philippines na mahasa ang kakayahan ng mga tropa sa paggamit ng mga makabagong armas upang mapalakas ang depensa ng bansa, lalo na sa pagprotekta sa kapuluan.
Paliwanag niya, bahagi ito ng modernisasyon ng AFP at paghahanda para sa “self-reliant defense,” kung saan layunin ng Pilipinas na unti-unting mapalakas ang sariling kakayahan sa seguridad sa kabila ng pakikipag-ugnayan sa mga kaalyadong bansa.
Ang pahayag ay ginawa matapos ang mga kritisismo kaugnay ng pagpapaputok ng US at Japan missile systems sa ilalim ng Balikatan exercises, kabilang ang Typhon Mid-Range system ng Estados Unidos at Type 88 surface-to-ship missile ng Japan.
Dagdag ni Brawner, hindi lamang pakikipag-alyansa ang pinagtutuunan ng AFP kundi ang aktwal na kakayahang gumamit at mag-operate ng mga makabagong sistema bilang bahagi ng long-term defense strategy ng bansa. (report by Bombo Jai)
















