Sumakabilang buhay na ang isang tripulanteng Pilipino na dinukot ng mga pirata sa isang Greek oil tanker malapit sa bansang Togo sa Africa nitong Nobyembre.
Ayon sa European Products Carriers Ltd, namatay ang nasabing Pinoy habang nasa kamay ng mga pirata.
Samantala, pinalaya naman ang tatlo nitong mga kasamahan, na kinabibilangan ng isa pang Pinoy, isang Greek, at isang Georgian.
Sa pahayag ng kumpanya, nasa ligtas nang kalagayan ang tatlo at sumailalim na rin sa debriefing ng mga lokal na otoridad bago umuwi sa kani-kanilang mga bansa.
Hindi naman nagbigay pa ng karagdagang detalye ang kumpanya kaugnay sa pangyayari.
“It is understood that his demise was not as a result of any actions by those holding the crew hostage but due to illness,” pahayag ng European Products Carriers.
Nitong Nobyembre nang dukutin ng mga pirata ang mga biktima sa tanker na Elka Aristotle mula sa daungan ng Lome. (Reuters)