Nasungkit ni Paul Butler ang interim WBO bantamweight title matapos na magtala ng unanimous decision laban sa Pinoy boxer na si Jonas Sultan sa ginanap na laban kaninang madaling araw sa Liverpool sa United Kingdom.
Nagpakita ng kanyang magandang kondisyon si Butler kaya naman agad na lumamang ito sa puntos.
Sa unang dalawang rounds ay dinomina ni Butler pero bumawi si Sultan sa mga sumunod na rounds.
Bagamat kinaya ni Sultan ang mga suntok ng karibal, mistula namang desperado ang ilan niyang diskarte na pilit na naghahanap na tumama ang kanyang big punch.
Sa huling sandali nakipagsabayan din si Butler kay Sultan na siyang nagbigay sa kanya ng kalamangan sa mga judges card.
Ang judge na si Howard Foster ay nag-iskor ng 116-112 at si Fernando Laguna ay 117-111 pabor pa rin kay Butler.
Matapos ang laban sinabi ni Butler na mas magaling pa umano si Sultan kaysa kay John Riel Casimero na una sana niyang kalaban.
“We had 48 hours to make a gameplan and that is what I can do in 48 hours,” kuwento pa ni Butler na noong una ang kanyang makakaharap sana ay si Casimero pero hindi pinayagan na tumuloy sa laban.
Sa ngayon gumanda pa ang record ni Butler sa 34-2, at 15 via KOs habang si Sultan na nagmula sa Zamboanga del Norte ay muling nadungisan ang kanyang kartada sa itaas ng ring na 18-6, 11 via KOs.