ILOILO CITY – Patuloy pang inaalam ng mga otoridad ang sanhi ng pagkamatay ng isang overseas Filipino worker (OFW) na namatay sa Pacifica City, San Mateo County, California, USA.

Ang Ilongga OFW ay kinilalang si Ana Marie Alba, 39.

Ayon kay Joseph Alba, kapatid ni Ana Marie, lubos ang pagdadalamhati ng kanilang pamilya sa nangyari sa biktima.

Sa ngayon, nagsasagawa ng online-fund raising activity ang pamilya Alba para maiuwi na sa Iloilo ang bangkay ni Ana Marie.

Ayon naman sa imbestigasyon ng Pacifica Police Department, lumalabas na murder-suicide ang ikinasawi ni Alba kasama ang isa pang biktima na nakilalang si Johny Tu, 31, na natagpuang patay sa loob ng bahay sa nasabing lugar.

Sa kabila ng inspekulasyon, tinitingnan rin ng mga otoridad ang anggulo na isa sa mga namatay ay ang suspek.

Napag-alaman na si Alba ay mayroong dalawang anak at nagtatrabaho sa isang private company na nagbibigay ng passenger at baggage screening sa San Francisco International Airport sa ilalim ng US Federal government.