-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Kumpiyansa ang lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan na lalo pang tataas ang tourist arrivals sa isla ng Boracay ngayong aprubado na ang kahilingan ng Department of Tourism (DOT) na sasagutin nila ang kalahati ng presyo ng coronavirus disease (COVID-19) test para sa mga turista lalo na ngayong Christmas season.

Ito ay matapos lumagda sa kasunduan si Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat sa Philippine General Hospital (PGH).

Sasaluhin ng DOT ang 50% ng P1,800 na halaga ng RT-PCR test na isasagawa ng PGH.

Ayon kay Malay Mayor Frolibar Bautista na inirereklamo ng mga turista ang mahal na swab tests na isa sa mga requirements bago makapasok sa isla.

Sa mga interesado, pumunta lamang sa www.tpb.gov.ph/rtpcrphtravel upang magrehistro at makakuha ng 50% subsidy limang araw bago ang nakatakdang biyahe.

Kailangang magsumite lang ng kopya ng valid government-issued ID, confirmed accommodation booking at proof of transportation ticket.

Dagdag pa ng DOT, ang 100 test bawat araw lamang ang maaring isagawa ng PGH at susundin ang first-come, first-served basis.

Dagdag pa ni Bautista, nananatiling covid free ang Boracay dahilan na ligtas na magbakasyon lalo pa at sumusunod naman ang mga tao sa health protocols.