-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Dumating na sa Kidapawan City ang pinakaunang batch ng bakunang Pfizer laban sa Covid-19 ngayong araw.

Abot sa 2,340 doses ang tinanggap ng City Health Office o CHO sa pamamagitan ni Dr. Nerissa Paalan, Operations Head ng City Epidemiology and Surveillance Unit o CESU mula sa Dept of Health o DOH12.

Si National Immunization Program o NIP12 Regional Coordinator Dr. Edvir Jane Montaner ang nanguna sa paghahatid ng naturang mga bakuna kasama ang mga representante ng FDA12, Cotabato Integrated Provincial Health Office o IPHO at Cotabato Police Provincial Office o CPPO.

Inilagak sa bagong Ultra Low Freezer o storage facility na may temperaturang abot sa -86 Degree Celsius ang naturang Pfizer vaccines na nangangailangan ng -70 na temperature. Makakaya naman ng pasilidad na ito na tumanggap ng abot sa 5,000 doses ng Pfizer.

Kasabay na dumating ng Pfizer vaccines ang abot sa 2,000 doses ng Janssen at 1,730 doses ng Sinovac. Gagamitin ang lahat ng mga ito sa vaccination ng mga Priority A2 o mga senior citizens ng lungsod, ayon pa sa CHO.

Una ng sinabi ni Kidapawan City Mayor Joseph A. Evangelista na may kakayahan na ang lungsod na tumanggap ng Pfizer vaccines dahil na rin sa pagsisikap nito na magkaroon ng pasilidad na may sapat na kakayahang mag preserba ng nabanggit na bakuna laban sa Covid-19.

Nagpasalamat din siya sa national government at sa DOH12 sa patuloy na suporta sa City Government of Kidapawan lalo na sa kampanya laban sa Covid-19.

Kaugnay nito ay magsasagawa muli ng vaccination ang CHO sa August 4-5, 2021 sa mga designated vaccination hubs kabilang ang Notre Dame of Kidapawan College o NDKC Gym at IBED, Kidapawan Doctors College, Inc. o KDCI.

Samantala, sa layuning mapabilis pang lalo ang rollout ng bakuna, kabilang na rin sa mga vaccination hubs sa lungsod ang Kidapawan City Hospital, Madonna Hospital, Midway Hospital, at ang Cotabato Provincial Hospital o CPH.