Pumanaw na si Sister Inah Canabarro, isang Brazilian na madre at guro na kinilalang pinakamatandang tao sa mundo, sa edad na 116.
Ayon sa kanyang kongregasyon, namatay si Sister Inah noong Miyerkules sa kanyang tahanan sa Porto Alegre, Brazil dahil sa natural na sanhi.
Kinumpirma noong Enero ng grupong LongeviQuest na si Sister Inah ang pinakamatandang nabubuhay na tao sa mundo bago ang kanyang pagpanaw. Siya sana ay magdiriwang ng ika-117 kaarawan sa Mayo 27.
Sa ngayon, nalipat ang titulo na pinakamatandang tao sa mundo kay Ethel Caterham na 115-anyos ng Britania.
Sa isang video noong Pebrero 2024, ibinahagi ni Sister Inah na ang kanyang malalim na pananampalatayang Katoliko ang susi sa kanyang mahabang buhay. Kilala siya sa kanyang masayahing disposisyon at pagiging guro, at minsan ay nagturo pa kay Gen. João Figueiredo, ang huling diktador ng Brazil.
Ipinagdiwang siya ni Pope Francis sa kanyang ika-110 kaarawan. Sa tala ng LongeviQuest, siya ang ikalawang pinakamatandang madre na naitalang nabuhay, sunod kay Lucile Randon ng France na namatay sa edad na 118 noong 2023.
Gaganapin ang burol ni Sister Inah sa Huwebes sa Porto Alegre.