-- Advertisements --

Tiniyak ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na walang dapat ikabahala at ipangamba ang publiko sa inilabas na terror threat ng Japan sa Southeast Asia kabilang ang Pilipinas.

Sa isang virtual press conference kaninang umaga, sinabi ng kalihim alam na ng Pilipinas ang gagawin lalo na sa banta na terorismo.

Sa katunayan, naka alerto ang AFP at PNP para tugunan ang nasabing banta.

Patuloy din ang operasyon ng militar laban sa mga local terrorist group na nag-ooperate sa Mindanao.

Giit din ni Lorenzana, kontrolado ng security sector ang sitwasyon ngayon sa bansa, subalit pinalakas lamang ang intelligence monitoring lalo na duon sa mga suicide bombers.

Binabantayan ngayon ng militar ang mga local terrorist group lalo na ang Abu Sayyaf na posibleng maglunsad ng suicide bombing activities.

Ayon sa kalihim nasa moderate threat ang bansa subalit walang imminent threat.

Pinalakas din ng militar ang kanilang pagbabantay lalo na sa southern part ng bansa para mapigilan ang pagpasok sa bansa ng mga banyagang terorista.

Pinaigting din ng Pilipinas, Malaysia at Indonesia ang kanilang trilateral patrols sa bahagi ng Tawi-Tawi.

Dinagdagan ng AFP ang kanilang mga barko na nagpapatrulya sa karagatan.

Malaking tulong din ang umiiral na Covid-19 lockdown sa Tawi-Tawi, Basilan at Zamboanga kung saan hindi muna pinapapasok ang mga indibidwal sa bansa lalo na galing sa bansang Malaysia at Indonesia.